40. Lahat ng Judiong makakapasa ay maaaring magpatala para maglingkod sa palasyo. Pairalin natin ang kapayapaan.”
41. Kaya noong taóng 170, inalis sa mga Judio ang pamatok ng mga mapang-aping Hentil.
42. Ang mga kasulatan at kasunduan ay pinalagyan ng ganitong petsa: “Sa unang taon ni Simon, ang dakilang Pinakapunong Pari, tagapanguna at pinuno ng mga Judio.”
43. Nang panahon ding iyon, nilusob ni Simon ang Gazara at pinalibutan ito ng kanyang hukbo. Gumawa siya ng platapormang panlusob na maaaring tanggalin at dinala ito sa gilid ng pader ng lunsod. Matapos salakayin ang isang tore at masakop ito,
44. ang mga tauhang nasa platapormang panlusob ay pumasok sa lunsod. Gayon na lamang ang kaguluhang nilikha nila.
45. Dahil sa kalituhan, sinira ng kalalakihan sa lunsod at ng kanilang asawa't mga anak ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, umakyat sila sa pader ng lunsod at malakas na nakiusap kay Simon na itigil na ang labanan.
46. “Maawa kayo sa amin! Huwag ninyo kaming parusahan,” pakiusap nila.