4. Napatay na lahat ang mga kapatid ko sa pagtatanggol sa ating Kautusan, sa ating Templo, at sa ating bansa. Ako na lamang ang natitira ngayon.
5. Subalit huwag sabihin ninuman na iniligtas ko ang aking sarili sa panahon ng panganib. Hindi ko ipinapalagay na mas mabuti ako kaysa mga kapatid ko.
6. Totoo na nagkaisa ang lahat ng bansang Hentil para puksain tayo dahil sa kanilang galit, ngunit lalaban ako upang ipagtanggol ang aking bansa, ang Templo, at ang inyong mga mahal sa buhay.”
7. Nabuhayan ng loob ang mga tao dahil sa mga pananalitang ito,
8. at malakas silang sumagot, “Ikaw na ngayon ang aming pinuno, kapalit ng mga kapatid mong sina Judas at Jonatan.
9. Makipagdigma ka para sa amin, at susundin namin ang lahat ng iuutos mo.”
10. Kaya tinipong lahat ni Simon ang mga kawal at mabilis na tinapos ang pagpapataas sa pader ng Jerusalem at ang pagpapatibay sa lahat ng tanggulan.
11. Isinugo niya sa Joppa si Jonatan na anak ni Absalom kasama ang isang malaking hukbo. Ang Jonatang ito ang nagtaboy sa mga tagaroon at sumakop sa naturang bayan.
12. Nilisan naman ni Trifo ang Tolemaida na may kasama ring isang malaking hukbo upang lusubin ang Judea. Isinama niya ang bihag niyang si Jonatan na kapatid ni Simon.
13. Si Simon ay humimpil sa Adida sa gilid ng kapatagan.
14. Nang malaman ni Trifo na si Simon ang pumalit kay Jonatan at handa na itong humarap sa kanya sa digmaan, ito ang ipinasabi niya,
15. “Ipinadakip ko ang kapatid mong si Jonatan sapagkat hindi siya nagbayad ng kanyang utang sa kabang-yaman ng palasyo noong siya'y nanunungkulan.
16. Ngunit palalayain ko siya kung babayaran mo ako ng 3,500 kilong pilak at ipadadala ang dalawa niyang anak bilang kapalit na bihag para garantiya na hindi siya maghihimagsik laban sa amin kung siya ay palayain na.”