1 Macabeo 12:38-52 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

38. Muli ring itinayo ni Simon ang bayan ng Adida sa paanan ng bundok. Nilagyan niya ito ng kuta at ng mga pintuang may tarangka.

39. Binalak ni Trifo na maghimagsik laban kay Haring Antioco upang siya ang maging hari ng Asia.

40. Ngunit natakot siya na baka hindi pumayag si Jonatan at siya'y digmain para hadlangan ang kanyang balak. Kaya pinahanda ni Trifo ang kanyang hukbo at nagtungo sa Beth-san sa pag-asang mabibihag si Jonatan at maipapapatay.

41. Ngunit nagpunta rin si Jonatan sa Beth-san na may kasamang apatnapung libong piling kawal.

42. Nang makita ni Trifo ang napakaraming kawal na kasama ni Jonatan, natakot siyang gumawa ng anuman.

43. Kaya tinanggap niya at pinarangalan si Jonatan, binigyan ng mga handog, ipinakilala sa kanyang mga tagapayo, at sinabi pa sa kanyang mga tagapayo at mga kawal na sundin si Jonatan, gaya ng pagsunod nila sa kanya.

44. Tinanong niya si Jonatan, “Bakit mo pinahanda ang napakaraming kawal gayong hindi naman tayo nakikipagdigma?

45. Pauwiin mo na sila. Pumili ka na lamang ng ilan para makasama mo at samahan ninyo ako sa Tolemaida. Ibibigay ko sa iyo ang lunsod na iyon pati na ang mga kuta, mga hukbo, at lahat ng pinuno roon. Pagkatapos, ako'y aalis na. Iyan nga ang dahilan kaya ako narito.”

46. Naniwala naman si Jonatan, at sinunod ang kanyang payo. Pinauwi nga niya sa Judea ang kanyang mga kawal.

47. Nagtira lamang siya ng tatlong libo para makasama niya, ngunit iniwan ang dalawang libo nito sa Galilea, kaya isang libo lamang ang talagang sumama sa kanya sa paglalakbay.

48. Ngunit nang makapasok sa Tolemaida si Jonatan, isinara ng mga tao ang lahat ng pintuan, dinakip siya at pinatay ang lahat niyang kasama.

49. Nagpadala si Trifo ng mga sundalo at mga mangangabayo sa Galilea at sa Libis ng Jezreel upang patayin ang iba pang mga kawal ni Jonatan doon.

50. Ngunit nalaman ng hukbong Judio na nabihag at napatay si Jonatan, kasama ng mga kawal niya, kaya nag-usap-usap sila at humandang makipagdigma.

51. Nang makita ng dumarating na hukbo ng kalaban na handang mamatay sa pakikipaglaban ang mga Judio, sila'y nagbalik.

52. Sa gayon, ligtas na nakabalik sa Judea ang mga kawal na Judio, ngunit takot na takot sila. Nagdalamhati ang buong bansa, sa pag-aakalang pinatay si Jonatan at ang lahat ng tauhan niya.

1 Macabeo 12