33. Samantala, si Simon ay naglunsad din ng isang sunod-sunod na pananalakay, at umabot siya hanggang Askelon at sa mga kuta sa paligid. Pagkatapos, siya'y nagpunta sa Joppa
34. at nag-iwan ng mga kawal doon sapagkat nabalitaan niya na binabalak ng mga tagaroon na ibigay sa mga kawal ni Demetrio ang kuta ng Joppa.
35. Pagbalik ni Jonatan, pinulong niya ang mga pinuno. Nagkasundo sila na magtayo ng mga kuta sa Judea,
36. pataasan ang mga pader ng Jerusalem, at magpagawa ng mataas na pader para ihiwalay sa lunsod ang kuta. Kapag nakahiwalay ang kuta, mahirap nang bumili o magtinda ang kaaway ng anumang bagay.
37. Magkakasamang gumawa ang lahat para mapatibay ang tanggulan ng lunsod sapagkat gumuho ang bahagi ng pader sa silangan sa may Libis ng Kidron; pati ang bahagi ng Kafenata ay kailangan ding ayusin.
38. Muli ring itinayo ni Simon ang bayan ng Adida sa paanan ng bundok. Nilagyan niya ito ng kuta at ng mga pintuang may tarangka.
39. Binalak ni Trifo na maghimagsik laban kay Haring Antioco upang siya ang maging hari ng Asia.
40. Ngunit natakot siya na baka hindi pumayag si Jonatan at siya'y digmain para hadlangan ang kanyang balak. Kaya pinahanda ni Trifo ang kanyang hukbo at nagtungo sa Beth-san sa pag-asang mabibihag si Jonatan at maipapapatay.
41. Ngunit nagpunta rin si Jonatan sa Beth-san na may kasamang apatnapung libong piling kawal.
42. Nang makita ni Trifo ang napakaraming kawal na kasama ni Jonatan, natakot siyang gumawa ng anuman.
43. Kaya tinanggap niya at pinarangalan si Jonatan, binigyan ng mga handog, ipinakilala sa kanyang mga tagapayo, at sinabi pa sa kanyang mga tagapayo at mga kawal na sundin si Jonatan, gaya ng pagsunod nila sa kanya.
44. Tinanong niya si Jonatan, “Bakit mo pinahanda ang napakaraming kawal gayong hindi naman tayo nakikipagdigma?
45. Pauwiin mo na sila. Pumili ka na lamang ng ilan para makasama mo at samahan ninyo ako sa Tolemaida. Ibibigay ko sa iyo ang lunsod na iyon pati na ang mga kuta, mga hukbo, at lahat ng pinuno roon. Pagkatapos, ako'y aalis na. Iyan nga ang dahilan kaya ako narito.”
46. Naniwala naman si Jonatan, at sinunod ang kanyang payo. Pinauwi nga niya sa Judea ang kanyang mga kawal.
47. Nagtira lamang siya ng tatlong libo para makasama niya, ngunit iniwan ang dalawang libo nito sa Galilea, kaya isang libo lamang ang talagang sumama sa kanya sa paglalakbay.
48. Ngunit nang makapasok sa Tolemaida si Jonatan, isinara ng mga tao ang lahat ng pintuan, dinakip siya at pinatay ang lahat niyang kasama.
49. Nagpadala si Trifo ng mga sundalo at mga mangangabayo sa Galilea at sa Libis ng Jezreel upang patayin ang iba pang mga kawal ni Jonatan doon.