1. Nang makita ni Jonatan na ang mga nagaganap ay nakakabuti sa kanya, pumili siya ng mga sugo at ipinadala sa Roma upang pagtibayin at sariwain ang pakikipagkaibigan sa mga tagaroon.
2. Nagpadala rin siya ng mga liham na may gayong pahayag sa mga taga-Esparta at sa iba pang lugar.
3. Ang mga sugo ay nagtungo sa Roma at tinanggap sa bulwagan ng Senado. Sinabi nilang sila'y isinugo ng Pinakapunong Paring si Jonatan at ng bansang Judio upang sariwain ang dating pakikipagkaibigan at pakikipagkaisa sa Roma.
4. Binigyan sila ng mga taga-Roma ng mga sulat para sa mga maykapangyarihan sa bawat bansang daraanan nila, na tumitiyak sa ligtas na paglalakbay nila pabalik sa lupain ng Judea.
5. Narito ang sipi ng sulat ni Jonatan sa mga taga-Esparta:
6. “Si Jonatan na Pinakapunong Pari, ang pambansang konseho ng mga pinuno, mga pari, at ang mga mamamayan ng Judea, ay bumabati sa aming mga kapatid sa Esparta.
7. Noong nakaraang panahon, ang inyong Haring Arios ay sumulat sa aming Pinakapunong Paring si Onias at sinabing may kaugnayan ang ating mga bansa, gaya ng isinasaad ng kalakip na sipi.
8. Buong pagpaparangal na tinanggap ni Onias ang inyong sugo at ipinaalam ang pagkatanggap ng inyong liham na nagpapahayag ng ating kasunduan at pagkakaibigan.
9. At ngayon, bagaman hindi namin kailangan ang ganitong kasunduan, sapagkat sa aming mga banal na aklat natatagpuan namin ang aming kalakasan,
10. sumulat kami upang sariwain ang ating pagkakapatiran at pagkakaibigan. Hindi namin nais na kami'y lubusan ninyong makalimutan; marami na ring taon ang nakakalipas buhat nang kayo'y makipag-ugnayan.
11. Sa mga nagdaang taon, sa lahat ng pagkakataon tuwing ipinagdiriwang namin ang aming kapistahan at iba pang tanging araw, kayo'y aming ginugunita kapag naghahandog kami at nananalangin, gaya ng nararapat gawin ng magkakapatid.
12. Ikinagagalak din naming kayo'y napatanyag.
13. Ngunit sunod-sunod ang aming pakikipagdigma sapagkat palagi kaming sinasalakay ng mga bansa sa paligid.
14. At sa panahon ng digmaan, hindi namin ninais na gambalain kayo o sinuman sa aming mga kapanalig at kaibigan,
15. sapagkat kami'y tinutulungan ng Panginoon na siyang lumupig sa aming mga kaaway at nagligtas sa amin.