1 Macabeo 11:67-74 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

67. Si Jonatan at ang kanyang hukbo naman ay humimpil sa tabi ng Lawa ng Galilea. Kinaumagahan, maaga pa'y nagtuloy na sila sa kapatagan ng Hazor,

68. na kinaroroonan ng hukbo ng dayuhan na ngayo'y pasalubong sa kanila. Lingid kay Jonatan, isang pangkat ng kaaway ang naiwan sa kaburulan upang tambangan sila.

69. Kaya't nang sumalakay ang mga ito,

70. ang buong hukbo ni Jonatan ay umatras at tumakas. Walang natira kundi dalawang pinuno, si Matatias na anak ni Absalom, at si Judas na anak ni Calfi.

71. Napahiya si Jonatan kaya sinira niya ang kanyang kasuotan, naglagay ng abo sa ulo at nanalangin.

72. Pagkatapos, nagbalik siya sa labanan, tinalo ang kaaway at tumakas ang mga ito.

73. Nang makita ito ng kanyang hukbo na tumatakas, nagbalik sila at sumama sa kanya sa paghabol. Naitaboy nila ang kaaway hanggang sa kanilang kampo sa Kades at sinakop ang kampo.

74. May tatlong libong kawal ng kaaway ang napatay nang araw na iyon. Pagkatapos, si Jonatan ay nagbalik sa Jerusalem.

1 Macabeo 11