57. Ang batang si Haring Antioco ay sumulat kay Jonatan at pinagtibay ang kanyang pagiging Pinakapunong Pari at tagapamahala ng apat na lunsod; ginawa rin siyang kaibigan ng hari.
58. Pinadalhan pa niya ito ng mga kagamitang ginto at binigyan ng pahintulot na uminom sa mga kopang ginto, magsuot ng balabal ng hari, at maglagay sa balikat ng gintong hibilya na ibinibigay lamang sa mga kamag-anak ng hari.
59. Itinalaga din niya si Simon na kapatid ni Jonatan bilang gobernador ng lupain mula sa baybayin ng Fenicia hanggang sa hangganan ng Egipto.
60. Si Jonatan ay naglakbay sa mga lunsod ng Kalakhang Siria kasama ang kanyang hukbo, at sumama sa kanya ang lahat ng hukbo ng Siria bilang mga kapanalig. Nagpunta siya sa Askelon, at doo'y pinarangalan ng mga mamamayan.
61. Nagtuloy siya sa Gaza, subalit sinarhan ng mga tao roon ang lahat ng pintuan. Kaya't kinubkob niya ang lunsod at sinunog; sinamsaman nila ang mga bayan sa paligid.
62. Sa gayon, nakipagkasundo para sa kapayapaan ang mga taga-Gaza, at pumayag si Jonatan na pansamantalang itigil ang labanan. Kinuha niya ang mga anak ng mga pinuno roon at ipinadala sa Jerusalem bilang mga bihag. Pagkatapos, nagpatuloy siya sa paglilibot hanggang Damasco.
63. Nalaman ni Jonatan na ang mga pinuno ni Demetrio kasama ang isang malaking hukbo ay nagtungo sa Kades sa Galilea upang hadlangan siya sa kanyang balak.
64. Kaya iniwan niya sa Judea ang kanyang kapatid na si Simon at humandang makipagdigma sa kanila.
65. Si Simon naman ay lumusob sa Beth-sur at matagal na nakipaglaban doon.
66. Humingi ng kasunduang pangkapayapaan ang mga tao at pumayag si Simon. Sinakop niya ang bayan, pinalayas ang mga tao at naglagay roon ng isang malaking hukbo.
67. Si Jonatan at ang kanyang hukbo naman ay humimpil sa tabi ng Lawa ng Galilea. Kinaumagahan, maaga pa'y nagtuloy na sila sa kapatagan ng Hazor,
68. na kinaroroonan ng hukbo ng dayuhan na ngayo'y pasalubong sa kanila. Lingid kay Jonatan, isang pangkat ng kaaway ang naiwan sa kaburulan upang tambangan sila.
69. Kaya't nang sumalakay ang mga ito,
70. ang buong hukbo ni Jonatan ay umatras at tumakas. Walang natira kundi dalawang pinuno, si Matatias na anak ni Absalom, at si Judas na anak ni Calfi.
71. Napahiya si Jonatan kaya sinira niya ang kanyang kasuotan, naglagay ng abo sa ulo at nanalangin.
72. Pagkatapos, nagbalik siya sa labanan, tinalo ang kaaway at tumakas ang mga ito.
73. Nang makita ito ng kanyang hukbo na tumatakas, nagbalik sila at sumama sa kanya sa paghabol. Naitaboy nila ang kaaway hanggang sa kanilang kampo sa Kades at sinakop ang kampo.
74. May tatlong libong kawal ng kaaway ang napatay nang araw na iyon. Pagkatapos, si Jonatan ay nagbalik sa Jerusalem.