1 Macabeo 11:45-59 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

45. sapagkat nagtipon na sa lunsod ang 120,000 katao para siya'y patayin.

46. Ngunit siya'y nakatakas sa palasyo samantalang nagkakagulo sa lansangan ang mga tao at nagpapasimula nang manggulo.

47. Hinudyatan ng hari ang mga kawal na Judio para tumulong, at sumugod silang lahat upang siya'y ipagtanggol. Pinasok nila ang buong lunsod at napatay nila ang hindi kukulangin sa 100,000 katao.

48. Nailigtas nila ang hari ngunit sinamsam nila ang mga ari-arian doon at sinunog ang lunsod.

49. Nang makita ng mga tao na ganap nang nasa kapangyarihan ng mga Judio ang lunsod, natakot sila at nagsumamo sa hari

50. na pansamantalang itigil ang labanan at ang pagsalakay ng mga Judio.

51. Ibinabâ ng mga rebelde ang kanilang mga sandata at sumuko. Mula sa hari, ang buong kaharian ay nagkaroon ng malaking paggalang sa mga Judio. Bumalik naman ang mga Judio sa Jerusalem na dala ang maraming nasamsam.

52. Matatag na ang paghahari ni Demetrio at naging mapayapa ang bansa sa pamamahala niya;

53. ngunit sinira niya ang lahat ng pangako kay Jonatan. Hindi niya ito ginantimpalaan sa matapat na paglilingkod. Sa halip, patuloy pa niya itong ginulo.

54. Pagkaraan ng ilang panahon, si Trifo ay nagbalik na kasama ang batang si Antioco at pinutungan ito bilang hari.

55. Lahat ng kawal na pinaalis ni Demetrio ay dumating para maglingkod sa batang hari. Tinalo nila si Demetrio hanggang sa ito'y tumakas.

56. Kinuha ni Trifo ang mga elepante at siya ang namahala sa Antioquia.

57. Ang batang si Haring Antioco ay sumulat kay Jonatan at pinagtibay ang kanyang pagiging Pinakapunong Pari at tagapamahala ng apat na lunsod; ginawa rin siyang kaibigan ng hari.

58. Pinadalhan pa niya ito ng mga kagamitang ginto at binigyan ng pahintulot na uminom sa mga kopang ginto, magsuot ng balabal ng hari, at maglagay sa balikat ng gintong hibilya na ibinibigay lamang sa mga kamag-anak ng hari.

59. Itinalaga din niya si Simon na kapatid ni Jonatan bilang gobernador ng lupain mula sa baybayin ng Fenicia hanggang sa hangganan ng Egipto.

1 Macabeo 11