1 Macabeo 10:76-89 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

76. at sa pagkasindak ng kalalakihan ng lunsod, binuksan nila ang mga pintuan at hinayaang masakop ni Jonatan ang Joppa.

77. Nang mabalitaan naman ni Apolonio ang nangyari, nagsama siya ng tatlong libong mangangabayo at isang malaking hukbong-lakad at nagkunwang tatakas patimog papuntang Asdod. Subalit nagtuloy siya sa kapatagan na kasama ang kanyang pangunahing hukbo dahil tiwala siya sa lakas ng kanyang mangangabayo.

78-79. Inilagay niya ang isang libong mangangabayo sa isang lugar na sadyang pinili para sumalakay sa hukbo ni Jonatan mula sa hulihan. Tinugis sila ni Jonatan hanggang Asdod at doon nagkaharap ang dalawang hukbo.

80. Noon lamang nabatid ni Jonatan na siya'y tinambangan. Napaligiran ang kanyang hukbo, at pinaulanan sila ng mga palaso mula umaga hanggang gabi.

81. Ngunit nanatiling matatag ang mga tauhan ni Jonatan, gaya ng kanyang iniutos, at napagod ang sumalakay na hukbong mangangabayo ng kaaway.

82. At nang manlupaypay na ang mga iyon, dumating naman si Simon na kasama ang kanyang hukbo at sumalakay sa mga kalaban. Sa takot ng mga iyon, sila'y nagkawatak-watak at nagtakbuhan.

83. Ang mga mangangabayo na nangalat na sa kapatagan ay tumakas patungong Asdod at doon nagtago sa templo ni Dagon na kanilang diyus-diyosan.

84. Subalit sinunog ni Jonatan ang lunsod at ang templo ni Dagon, kaya natupok ang lahat ng nagtatago roon. Sinunog din niya ang mga bayan sa palibot at sinamsam ang mga ari-arian.

85. Nang araw na iyon humigit-kumulang sa walong libong katao ang namatay sa labanan at sa pagkatupok.

86. Pagkatapos, umalis si Jonatan at humimpil sa Ascalon. Dito'y lumabas ang kalalakihan ng lunsod na iyon at sinalubong siya para parangalan.

87. Nagbalik sa Jerusalem si Jonatan at ang kanyang mga tauhan na maraming uwing nasamsam.

88. Nabalitaan ni Haring Alejandro ang ginawa ni Jonatan at lalo pa niya itong pinarangalan.

89. Pinadalhan niya ito ng isang gintong hibilyang pang-balikat na karaniwa'y ibinibigay lamang sa kamag-anak ng hari. Ibinigay rin sa kanya ang Lunsod ng Ekron at ang mga lupain sa paligid nito.

1 Macabeo 10