1 Macabeo 10:54-74 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

54. Ngayon, ako'y handa nang makipagkaisa. Ipakasal mo sa akin ang iyong anak na dalaga at kayong dalawa'y bibigyan ko naman ng mga handog na karapat-dapat sa inyo.”

55. Ito ang naging tugon ni Haring Tolomeo, “Isang dakilang araw na maituturing ang pagbabalik mo sa iyong bansa at pagluklok sa trono ng iyong mga ninuno.

56. Sumasang-ayon ako sa iyong mga mungkahi, subalit magkita muna tayo sa Tolemaida para magkakilala tayo nang mabuti. Saka ko ipakakasal sa iyo ang aking anak na dalaga.”

57. Kaya nang taóng 162, umalis ng Egipto si Haring Tolomeo at ang anak niyang dalaga na si Cleopatra at pumunta sa Tolemaida.

58. Sinalubong sila ni Haring Alejandro, at ipinakasal nga sa kanya ni Tolomeo ang anak niyang dalaga. Buong karangyaang ipinagdiwang sa Tolemaida ang pag-iisang-dibdib nila.

59. Sinulatan ni Haring Alejandro si Jonatan na makipagkita sa kanya.

60. Nagpunta nga sa Tolemaida si Jonatan at humarap sa dalawang hari para magpakitang-gilas. Binigyan niya sila ng mga handog na pilak at ginto; binigyan din niya ng maraming handog ang matataas na pinunong kasama nila. Gayon na lamang ang paghanga ng lahat kay Jonatan.

61. Ngunit may ilang taksil na Judio na nais manira kay Jonatan, at nagpahatid sila ng mga maling paratang laban sa kanya, subalit hindi ito pinansin ni Haring Alejandro.

62. Ipinag-utos pa nga niya na pagsuotin si Jonatan ng kasuotang hari

63. at pinarangalan pa sa pamamagitan ng pagpapaupo rito sa kanyang tabi. Iniutos ni Alejandro sa kanyang mga pinuno na dalhin si Jonatan sa sentro ng lunsod at ipahayag na walang sinumang dapat magparatang laban dito sa anumang kadahilanan, at wala ring dapat magsimula ng anumang gulo para isangkot ito.

64. Nang makita ng mga naiinggit at naninira ang karangalang iniuukol kay Jonatan, at matapos marinig ang pahayag na ito, lahat sila'y tumakas.

65. Pinarangalan pa rin ng hari si Jonatan nang ilista siya bilang isa sa mga pangunahing kaibigan ng hari at gawing heneral at gobernador ng kanyang lalawigan.

66. Si Jonatan ay mapayapa at masayang nagbalik sa Jerusalem dahil sa tinamong tagumpay.

67. Nang taóng 165, si Demetrio II na anak ni Demetrio I ay umalis sa Creta at dumating sa Siria, na lupain ng kanyang mga ninuno.

68. Nang mabalitaan ito ni Haring Alejandro, siya'y nabahala at nagbalik sa Antioquia, ang kapitolyo ng Siria.

69. Muling pinili ni Demetrio si Apolonio bilang gobernador ng Kalakhang Siria. Nagtatag si Apolonio ng isang malaking hukbo, nagkampo sa malapit sa Jamnia, at ipinasabi ang ganito kay Jonatan, ang Pinakapunong Pari:

70. “Dahil sa iyo, ako'y pinagtatawanan, ngunit bakit ka naglalagi riyan sa kabundukan at patuloy sa paghihimagsik gayong wala namang tumutulong sa iyo?

71. Kung talagang may tiwala ka sa iyong hukbo, bumabâ ka rito sa kapatagan at makipaglaban; sa gayon, mapapatunayan mo na nasa panig ko ang mga hukbo mula sa mga lunsod.

72. Makikilala mo kung sino ako at kung sinu-sino ang aking mga kapanalig; sa gayon, matutuklasan mong hindi ka maaaring makatagal sa pagsalungat sa akin. Dalawang ulit nang natatalo sa sarili nilang lupain ang mga nauna sa iyo;

73. kaya paano mo maaasahang talunin ang aking hukbong mangangabayo at ang uri ng hukbong itinalaga ko sa kapatagan? Dito'y wala kahit munting batong mapagtataguan, at wala kang matatakasan.”

74. Nang matanggap ni Jonatan ang pasabing ito ni Apolonio, siya'y nagalit. Tinipon niya ang sampung libong piling kawal mula sa Jerusalem; nagdala rin ng mga kawal ang kapatid niyang si Simon, at ang dalawang pangkat

1 Macabeo 10