47. Minabuti nilang ang kilalanin ay si Alejandro at sa kanya ibigay ang kanilang katapatan, sapagkat ito ang unang nakipag-unawaan sa kanila; at nanatili silang magkapanalig habang ito'y nabubuhay.
48. Si Haring Alejandro ay nagtatag ng isang malaking hukbo at humandang makipagdigma sa hukbo ni Demetrio.
49. Subalit nang magkaharap na ang mga hukbo ng dalawang hari, umatras at tumakas ang hukbo ni Alejandro. Tinugis sila ni Demetrio at nagwagi ito sa digmaang iyon.
50. Nakipaglaban si Alejandro hanggang sa paglubog ng araw, at nasawi si Demetrio nang araw na iyon.
51. Pagkatapos, nagsugo si Alejandro kay Haring Tolomeo VI ng Egipto at ganito ang kanyang ipinasasabi:
52. “Nakabalik na ako sa aking kaharian at nakaluklok na sa trono ng aking mga ninuno. Ako na ang namamahala sa buong bansa.
53. Nakipaglaban ako kay Demetrio, tinalo ko siya at ang kanyang hukbo, at nasakop ko ang kanyang kaharian.
54. Ngayon, ako'y handa nang makipagkaisa. Ipakasal mo sa akin ang iyong anak na dalaga at kayong dalawa'y bibigyan ko naman ng mga handog na karapat-dapat sa inyo.”
55. Ito ang naging tugon ni Haring Tolomeo, “Isang dakilang araw na maituturing ang pagbabalik mo sa iyong bansa at pagluklok sa trono ng iyong mga ninuno.
56. Sumasang-ayon ako sa iyong mga mungkahi, subalit magkita muna tayo sa Tolemaida para magkakilala tayo nang mabuti. Saka ko ipakakasal sa iyo ang aking anak na dalaga.”
57. Kaya nang taóng 162, umalis ng Egipto si Haring Tolomeo at ang anak niyang dalaga na si Cleopatra at pumunta sa Tolemaida.
58. Sinalubong sila ni Haring Alejandro, at ipinakasal nga sa kanya ni Tolomeo ang anak niyang dalaga. Buong karangyaang ipinagdiwang sa Tolemaida ang pag-iisang-dibdib nila.
59. Sinulatan ni Haring Alejandro si Jonatan na makipagkita sa kanya.
60. Nagpunta nga sa Tolemaida si Jonatan at humarap sa dalawang hari para magpakitang-gilas. Binigyan niya sila ng mga handog na pilak at ginto; binigyan din niya ng maraming handog ang matataas na pinunong kasama nila. Gayon na lamang ang paghanga ng lahat kay Jonatan.