41. Ang kabuuang tulong ng pamahalaan na hindi namin naibigay nitong nakalipas na ilang taon, ay ibibigay; magpapatuloy ang pagbabayad na ito mula ngayon para sa gawain ng templo.
42. Bukod dito, hindi na namin hihingin ang limanlibong salaping pilak mula sa kinikita ng templo. Ang salaping ito'y para sa mga pari na naglilingkod sa templo.
43. Ang sinumang may pagkakautang sa hari o may iba pang utang at nagtago sa Templo sa Jerusalem o sa alinmang lupaing sakop nito ay hindi darakpin; hindi rin sasamsamin ang kanyang ari-arian kahit saang panig ng kaharian ito naroroon.
44. Ang gugugulin para sa muling pagpapatayo at sa pagpapaayos ng Templo ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.
45. Gayundin naman, ang gugugulin sa pagpapaayos ng mga pader ng Jerusalem at ng mga kuta sa paligid nito, pati ang mga pader ng itinakdang mga lunsod sa Judea, ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.”
46. Nang marinig ni Jonatan at ng bayan ang mga alok ni Haring Demetrio, ayaw nilang maniwala o tanggapin man ang mga iyon, sapagkat naalala nila ang malupit na pakikitungo nito sa kanila at ang mga kahirapang idinulot sa bansang Judio.
47. Minabuti nilang ang kilalanin ay si Alejandro at sa kanya ibigay ang kanilang katapatan, sapagkat ito ang unang nakipag-unawaan sa kanila; at nanatili silang magkapanalig habang ito'y nabubuhay.
48. Si Haring Alejandro ay nagtatag ng isang malaking hukbo at humandang makipagdigma sa hukbo ni Demetrio.
49. Subalit nang magkaharap na ang mga hukbo ng dalawang hari, umatras at tumakas ang hukbo ni Alejandro. Tinugis sila ni Demetrio at nagwagi ito sa digmaang iyon.
50. Nakipaglaban si Alejandro hanggang sa paglubog ng araw, at nasawi si Demetrio nang araw na iyon.
51. Pagkatapos, nagsugo si Alejandro kay Haring Tolomeo VI ng Egipto at ganito ang kanyang ipinasasabi:
52. “Nakabalik na ako sa aking kaharian at nakaluklok na sa trono ng aking mga ninuno. Ako na ang namamahala sa buong bansa.