1 Macabeo 10:33-44 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

33. Pinalalaya ko na rin ang lahat ng Judiong bihag ng digmaan saanmang panig ng aking kaharian. Lahat sila'y hindi rin magbabayad ng buwis, maging para sa kanilang mga baka.

34. Hindi hihingan ng buwis ang sinumang Judio saanman sa aking kaharian kung Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan, at iba pang sagradong araw. Gayon din, hindi na lilikom ng buwis tatlong araw bago sumapit o makalipas ang mga pangunahing sagradong araw.

35. Walang sinumang maaaring humingi sa inyo ng kabayaran o manligalig sa inyo sa alinman sa mga naturang araw.

36. “Maaaring ipatala sa hukbo ng hari ang mga Judio hanggang sa bilang na 30,000 katao, at babayaran sila gaya ng ibang hukbo ng hari.

37. Ang ilan sa kanila'y maaaring itakdang magbantay sa malalaking kuta ng palasyo, at ang iba nama'y bibigyan ng mahahalagang katungkulan sa pamahalaan. Mga Judio rin ang kanilang magiging pinuno at tagapanguna, at papayagan silang sundin ang kanilang sariling kautusan at kaugalian, tulad ng ipinahintulot ng hari sa mga taga-Judea.

38. “Ang tatlong purok na idinagdag sa Judea buhat sa lupaing sakop ng Samaria ay isasama na nang lubusan sa Judea at ipapailalim lamang sa kapangyarihan ng Pinakapunong Pari.

39. Ibinibigay ko para panustos sa Templo sa Jerusalem ang mga buwis na makukuha sa lunsod ng Tolemaida at sa mga lupaing sakop nito.

40. Nangangako rin ako na magbibigay ng taunang handog na 15,000 salaping pilak na manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.

41. Ang kabuuang tulong ng pamahalaan na hindi namin naibigay nitong nakalipas na ilang taon, ay ibibigay; magpapatuloy ang pagbabayad na ito mula ngayon para sa gawain ng templo.

42. Bukod dito, hindi na namin hihingin ang limanlibong salaping pilak mula sa kinikita ng templo. Ang salaping ito'y para sa mga pari na naglilingkod sa templo.

43. Ang sinumang may pagkakautang sa hari o may iba pang utang at nagtago sa Templo sa Jerusalem o sa alinmang lupaing sakop nito ay hindi darakpin; hindi rin sasamsamin ang kanyang ari-arian kahit saang panig ng kaharian ito naroroon.

44. Ang gugugulin para sa muling pagpapatayo at sa pagpapaayos ng Templo ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.

1 Macabeo 10