18. “Mula kay Haring Alejandro ay ipinaaabot kay kapatid na Jonatan ang maalab na pagbati!
19. Napakaganda ng balita namin tungkol sa iyong kagitingan, kaya't karapat-dapat kang maging kaibigan ng hari.
20. Kaya mula ngayo'y ikaw na ang Pinakapunong Pari ng iyong bansa. Ang itatawag sa iyo'y ‘Kaibigan ng Hari.’ Kapanalig ka namin sa aming adhikain at tutulungan ka namin.”Bukod sa sulat, pinadalhan din niya si Jonatan ng isang maharlikang damit at koronang ginto.
21. Isinuot ni Jonatan ang kasuotan ng Pinakapunong Pari noong ikapitong buwan ng taóng 160 sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. Nagtipon siya ng isang malaking hukbo at ng maraming sandata.
22. Nang ito'y mabalitaan ni Demetrio, nabagabag siya at nag-isip,
23. “Paano nangyaring tayo'y naunahan ni Alejandro? Napalakas niya ang kanyang katayuan sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa mga Judio.
24. Ang mabuti'y sulatan ko rin ang mga Judio at makipagkaibigan sa kanila; aalukin ko sila ng matataas na tungkulin at mga handog para tulungan nila ako.”
25. Ganito ang ipinadala niyang sulat: “Bumabati si Haring Demetrio sa bansang Judio.
26. Ikinagagalak naming malaman na tinutupad ninyo ang inyong bahagi sa ating kasunduan, at hindi kayo pumanig sa aming mga kaaway kundi nananatiling tapat sa amin.
27. Kung patuloy kayong magiging tapat sa amin, kayo'y aming gagantimpalaan.
28. Hindi na namin kayo pagbabayarin ng maraming buwis at bibigyan pa ng ibang karapatan.
29. Sa pamamagitan ng liham na ito'y ipinagbibigay-alam ko sa inyo na mula ngayo'y hindi na kayo kailangang magbayad ng karaniwang buwis, buwis sa asin, at iba pang tanging buwis.
30. Bukod dito, mula sa araw na ito'y malaya na kayo sa pananagutang magbigay sa akin ng ikatlong bahagi ng inyong aning trigo at ng kalahati ng aning bungangkahoy. Mula ngayon, hindi ko na hihingin ang mga kabayarang ito mula sa Judea o sa tatlong purok na napadagdag sa Judea mula sa Samaria at sa Galilea.
31. Ang Jerusalem, kasama ang mga lupaing nasa paligid nito, ay kikilalaning isang banal na lunsod at hindi magbabayad ng anumang buwis.
32. Inaalis ko na rin ang aking kapangyarihan sa kuta ng Jerusalem at ipinaiilalim ito sa Pinakapunong Pari at siya ang magtatakda ng sinumang nais niyang maging bantay roon.