1 Macabeo 1:41-53 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

41. Ang hari ay nagpalabas ng isang kautusan para sa buong imperyo. Iniutos niyang maging iisa ang tuntunin sa bansa,

42. kaya't ipinagbawal niya ang dating kautusan at ang relihiyon. Lahat ng Hentil ay sumang-ayon

43. at marami ring Israelita ang sumunod sa relihiyon ng hari. Naghandog din sila sa mga diyus-diyosan at nilabag ang Araw ng Pamamahinga.

44. Kaugnay nito, nagpahatid ang hari ng liham sa Jerusalem at sa mga bayan ng Judea. Dito'y iniutos niyang ang dapat sundin ay ang kaugalian ng mga banyaga sa lupain.

45. Ipinagbawal niya ang paghahain ng mga handog na susunugin at handog na pagkain sa Templo. Iniutos niyang huwag nang pahalagahan ang Araw ng Pamamahinga at ang mga takdang kapistahan.

46. Iniutos din niyang huwag nang igagalang ang Templo at ang mga pari.

47. Sa halip, mga baboy at iba pang maruruming hayop ang kanilang ihahandog, at dapat ang itatayo nila'y mga templo at mga altar ng pagano.

48. Ipinagbawal din niya ang pagtutuli sa mga batang lalaki. Dapat nilang gawing kasuklam-suklam ang kanilang sarili.

49. Sa ganitong paraan, malilimutan nila ang utos ng Diyos at ang dati nilang kaugalian.

50. Binantaan pa niyang ang sinumang lumabag sa utos ng hari ay papatayin.

51. Ganon nga ang sulat na ipinadala ng hari sa lahat ng kanyang nasasakupan. Naglagay siya ng mga espiya, at iniutos na hali-haliling maghandog ang lahat ng lunsod ng Judea.

52. Marami nga ang lumimot sa kautusan at nakiisa sa paggawa ng kasamaan sa lupain.

53. Ang mga tapat na Israelita ay nagtago sa lahat ng pook na maaari nilang mapuntahan.

1 Macabeo 1