1 Macabeo 1:1-14 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Si Alejandro ay anak ni Haring Felipe ng Macedonia, at nagbuhat sa lupain ng Macedonia. Siya ay nakipagdigma laban kay Dario na hari ng Persia at ng Media, at siya ay nagtagumpay. Naparagdag ang Persia at Media sa imperyo ng Grecia.

2. Marami pa siyang kahariang sinalakay at nasakop. Ipinapapatay niya ang mga hari ng mga bansang nasasakop niya.

3. Ang malaking bahagi ng daigdig ay nalupig niya at sinamsam ang kayamanan ng maraming bansa. Nang masakop niya ang daigdig, siya ay naging palalo.

4. Pinamahalaan niya ang mga bansa at ang kanilang mga pinuno sa pamamagitan ng isang napakalakas na hukbo. Lahat ng bansang sakop niya ay pinapagbayad niya ng buwis.

5. Pagkatapos ng lahat ng ito, nagkasakit siya nang malubha. Nang malapit na siyang mamatay,

6. tinawag niya ang mga kababata niya na ngayo'y matataas na pinuno ng hukbo. Pinaghati-hati niya sa kanila ang buong kaharian samantalang siya'y buháy pa.

7. At matapos ang labindalawang taong paghahari, siya ay namatay.

8. Nang siya'y mamatay, hinati nga ng kanyang mga opisyal ang kaharian ayon sa kanilang pook na pinananahanan.

9. Bawat isa'y ginawang hari ang kanyang sarili sa kanyang nasasakupan. Naghari ng mahabang panahon ang kanilang mga salinlahi at katakut-takot na pahirap ang ginawa nila sa daigdig.

10. Sa lahi ng mga ito'y may lumitaw na masamang hari. Ito'y si Antioco Epifanes, na anak ni Haring Antioco III ng Siria. Siya'y isa lamang bihag sa Roma bago siya naging hari ng Siria. Nagsimula siyang maghari nang taóng 137.

11. Noong kapanahunan ni Antioco Epifanes, may lumitaw sa Israel na masasamang Judio na ayaw sumunod sa Kautusan, at inaakit pa ang mga mamamayan na makipagkasundo sa mga Hentil sa palibot nila. “Makipagkasundo na tayo sa kanila; wala naman tayong napapala sa hindi pakikipagkasundo kundi pawang kapahamakan,” pang-aakit nila.

12. Ang ganitong panukala ay nagustuhan ng marami

13. at ang ilan sa kanila'y agad nagpunta sa hari upang humingi ng pahintulot na sumunod sa mga tuntunin ng mga bansang dayuhan. Pumayag naman ang hari.

14. Nagtayo sila ng isang malaking palaruan sa Jerusalem, tulad ng nasa mga lunsod ng mga Griego.

1 Macabeo 1