1 Juan 2:8-27 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

8. Ngunit, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo; sapagkat napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito'y nasaksihan sa buhay ni Cristo at nakikita rin naman sa atin.

9. Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa.

10. Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya magiging sanhi ng pagkakasala ng iba.

11. Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya nalalaman ang kanyang pupuntahan, sapagkat binulag siya ng kadiliman.

12. Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan.

13. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat napagtagumpayan na ninyo ang Masama.

14. Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat nakikilala ninyo ang Ama. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at tinalo na ninyo ang Masama.

15. Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama.

16. Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masasamang nasa ng laman, ang nasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa mundong ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan.

17. Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng kinahuhumalingan nito, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.

18. Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang anti-Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga anti-Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas.

19. Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na atin.

20. Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang katotohanan.

21. Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.

22. Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang sinumang nagsasabi nito ay ang anti-Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak.

23. Ang di kumikilala sa Anak ay di rin kumikilala sa Ama. Kapag kinilala ninuman ang Anak, kinikilala rin niya ang Ama.

24. Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama.

25. At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan.

26. Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo.

27. Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang magtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng ituturo niya ay totoo, at ito'y walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.

1 Juan 2