9. Pagkatapos, babaguhin ko ang mga tao, para lahat silaʼy lalapit sa akin at magkakaisang maglilingkod sa akin.
10. Ang aking mga mamamayang nangalat sa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia ay magdadala ng mga handog sa akin.
11. “Sa araw na iyon, kayong mga taga-Jerusalem ay hindi na mapapahiya sa lahat ng mga kasalanang ginawa ninyo sa akin, dahil aalisin ko sa inyo ang mga mapagmataas at mayayabang. Kaya wala nang magyayabang doon sa aking banal na bundok.
12. Pero mag-iiwan ako sa Jerusalem ng mga taong aba at mahihirap na hihingi ng tulong sa akin.
13. Ang mga Israelitang ito ay hindi gagawa ng masama; hindi sila magsisinungaling o mandadaya. Kakain at matutulog silang payapa at walang kinatatakutan.”
14. Sinabi ni Zefanias: Kayong mga mamamayan ng Israel, sumigaw kayo sa tuwa! Kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umawit kayo at magalak nang buong puso!