5. Makikita ito ng mga taga-Ashkelon at matatakot sila. Mamimilipit sa sakit ang mga taga-Gaza at ganoon din ang mga taga-Ekron dahil mawawala ang kanilang inaasahan. Mamamatay ang hari ng Gaza, at ang Ashkelon ay hindi na matitirhan.
6. Ang Ashdod ay titirhan ng ibaʼt ibang lahi. Lilipulin ng Panginoon ang ipinagmamalaki ng mga Filisteo.
7. Hindi na sila kakain ng karneng may dugo o ng mga pagkaing ipinagbabawal na kainin. Ang matitira sa kanila ay ibibilang ng ating Dios na kanyang mga mamamayan na parang isang angkan mula sa Juda. Ang mga taga-Ekron ay magiging kabilang sa mga mamamayan ng Panginoon katulad ng mga Jebuseo.
8. Iingatan ng Panginoon ang kanyang templo laban sa mga sumasalakay. Wala nang mang-aapi sa mga mamamayan niya dahil binabantayan na niya sila.
9. Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo sa kagalakan, kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, dahil ang inyong hari ay darating na. Matuwid siya at mapagtagumpay. Mapagpakumbaba siya, at darating na nakasakay sa bisirong asno.
10. Ipaaalis niya ang mga karwahe at mga kabayong pandigma sa Israel at sa Juda. Babaliin ang mga panang ginagamit sa pandigma. Ang haring darating ay magdadala ng kapayapaan sa mga bansa. Maghahari siya mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat, at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa dulo ng mundo.”