Zacarias 9:10-16-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Ipaaalis niya ang mga karwahe at mga kabayong pandigma sa Israel at sa Juda. Babaliin ang mga panang ginagamit sa pandigma. Ang haring darating ay magdadala ng kapayapaan sa mga bansa. Maghahari siya mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat, at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa dulo ng mundo.”

11. Sinabi pa ng Panginoon, “Tungkol naman sa inyo na mga taga-Israel, palalayain ko ang mga nabihag sa inyo. Sila ay parang mga taong inihulog sa balon na walang tubig. Palalayain ko sila dahil sa kasunduan ko sa inyo na pinagtibay sa pamamagitan ng dugo.

12. Kayong mga binihag na umaasang mapalaya, bumalik na kayo sa inyong mga lugar kung saan ligtas kayo. Sinasabi ko ngayon sa inyo na ibabalik ko nang doble ang mga nawala sa inyo.

13. Gagamitin kong parang pana ang Juda at parang palaso ang Israel. Gagawin kong parang espada ng kawal ang mga taga-Zion, at lilipulin nila ang mga taga-Grecia.”

14. Magpapakita ang Panginoon sa ibabaw ng kanyang mga mamamayan. Kikislap ang kanyang pana na parang kidlat. Patutunugin ng Panginoong Dios ang trumpeta; at darating siyang kasama ng bagyong mula sa timog.

15. Iingatan ng Panginoong Makapangyarihan ang kanyang mga mamamayan. Tatapak-tapakan lang nila ang mga batong ibinabato sa kanila ng mga kaaway nila. Magkakainan at mag-iinuman sila upang ipagdiwang ang kanilang tagumpay. Magsisigawan sila na parang mga lasing. Mabubusog sila ng inumin katulad ng mangkok na punong-puno ng dugong iwiniwisik sa mga sulok ng altar.

16-17. Sa araw na iyon, ililigtas sila ng Panginoon na kanilang Dios bilang kanyang mga tupa. Napakaganda nilang tingnan sa kanilang lupain. Ang katulad nilaʼy mamahaling batong kumikislap sa korona. Magiging sagana sila sa mga butil at ubas na magpapalakas sa kanilang mga kabataan.

Zacarias 9