Zacarias 10:1-7 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Humingi kayo ng ulan sa Panginoon sa panahon ng tagsibol, dahil siya ang gumagawa ng mga ulap. Binibigyan niya ng ulan ang mga tao at ang bawat tanim sa parang.

2. Ang totoo, hindi mapapaniwalaan ang mga dios-diosan at ang mga manghuhula. Mali ang ibinibigay nilang kahulugan sa mga panaginip. Walang kabuluhan ang pagpapalakas nila ng loob sa mga tao. Kaya naliligaw ang mga mamamayan ng Israel na parang mga tupa. Nahihirapan sila dahil wala silang pinuno.

3. Sinabi ng Panginoon, “Galit na galit ako sa mga namumuno sa aking mga mamamayan. Talagang parurusahan ko sila. Sapagkat aalalahanin ko ang aking mga tupa, ang mga mamamayan ng Juda. Gagawin ko silang tulad ng mga kabayong matagumpay sa digmaan.

4. Sa kanila magmumula ang mga pinuno na ang katulad ay batong-panulukan, tulos ng tolda, at panang ginagamit sa digmaan.

5. Magkakaisa ang mga taga-Juda at magiging katulad sila ng mga sundalong malalakas na tatalo sa mga kalaban nila na parang putik na tinatapak-tapakan sa lansangan. Makikipaglaban sila dahil kasama nila ako, at tatalunin nila ang mga mangangabayo.

6. “Palalakasin ko ang mga mamamayan ng Juda at ililigtas ko ang mga mamamayan ng Israel. Pababalikin ko sila sa kanilang lupain dahil naaawa ako sa kanila. At dahil ako ang Panginoon na kanilang Dios, diringgin ko ang kanilang mga dalangin, na parang hindi ko sila itinakwil tulad ng dati.

7. Ang mga mamamayan ng Israel ay magiging katulad ng mga malalakas na kawal. Magiging masaya sila na parang nakainom ng alak. Ang tagumpay na ito ay maaalala ng kanilang mga kaapu-apuhan at matutuwa sila dahil sa ginawa ko.

Zacarias 10