Santiago 5:4-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Pakinggan ninyo ang reklamo ng mga manggagawa laban sa inyo. Pinagtrabaho ninyo sila sa inyong bukirin pero hindi ninyo binigyan ng sahod. Nakarating na sa Panginoong Makapangyarihan ang mga hinaing nila.

5. Namuhay kayo nang marangya at maluho sa mundong ito. Para nʼyo na ring pinataba ang sarili nʼyo para sa araw ng pagkatay.

6. Hinatulan ninyoʼt ipinapatay ang mga taong walang kasalanan kahit hindi sila lumalaban sa inyo.

7. Mga kapatid, maging matiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Pagmasdan ninyo ang magsasaka: matiyaga niyang hinihintay ang unang pag-ulan. At pagkatapos niyang magtanim, matiyaga rin siyang naghihintay sa susunod na ulan at anihan.

8. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob dahil nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.

9. Huwag kayong magsisihan, mga kapatid, para hindi kayo hatulan ng Dios. Malapit nang dumating ang Hukom.

10. Tularan nʼyo ang pagtitiyaga at pagtitiis ng mga propeta na mga tagapagsalita ng Panginoon.

11. Hindi baʼt itinuturing nating mapalad ang mga taong nagtitiis? Alam nʼyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at alam naman ninyo kung paano siya tinulungan ng Panginoon sa bandang huli. Sadyang mabuti at maawain ang Panginoon.

Santiago 5