8. Pero walang taong nakakagawa nito sa dila. Wala itong tigil sa kasamaan at puno ng lasong nakamamatay.
9. Sa pamamagitan ng dila, pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, pero sa pamamagitan din nito ay isinusumpa natin ang ating kapwa na nilikhang kalarawan ng Dios.
10. Mula sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at pagsumpa. Mga kapatid, hindi dapat ganyan.
11. Maaari bang lumabas sa iisang bukal ang matabang na tubig at ang maalat na tubig? Hindi!
12. Mga kapatid, hindi rin maaaring mamunga ng olibo ang puno ng igos o ng igos ang ubas. Hindi rin maaaring makakuha ng tubig-tabang sa tubig-alat.
13. Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya na talagang marunong siya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay na may pagpapakumbaba.
14. Kung pagkainggit at pagkamakasarili naman ang umiiral sa inyong puso, huwag ninyong ipagyabang na may karunungan kayo, dahil pinasisinungalingan nʼyo ang katotohanan.
15. Ang ganitong karunungan ay hindi nagmumula sa Dios kundi sa mundo. Mula ito sa diyablo at hindi sa Banal na Espiritu.
16. Sapagkat kung saan umiiral ang pagkainggit at pagkamakasarili, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng kasamaan.
17. Ngunit ang taong may karunungang mula sa Dios, una sa lahat ay may malinis na pamumuhay. Maibigin siya sa kapayapaan, mahinahon, masunurin, puno ng awa at kabutihan, walang pinapaboran, at hindi nagkukunwari.
18. Ang taong maibigin sa kapayapaan at nagpapalaganap nito ay nagdudulot ng maayos na relasyon sa iba.