Salmo 78:33-50 Ang Salita ng Dios (ASND)

33. Kaya agad niyang winakasan ang buhay nila sa pamamagitan ng biglaang pagdating ng kapahamakan.

34. Nang patayin ng Dios ang ilan sa kanila,ang mga natira ay lumapit na sa kanya,nagsisi at nagbalik-loob sa kanya.

35. At naalala nila na ang Kataas-taasang Dios ang kanilang Bato na kanlungan at Tagapagligtas.

36. Nagpuri sila sa kanya, ngunit sa bibig lang, kaya sinungaling sila.

37. Hindi sila tapat sa kanya at sa kanilang kasunduan.

38. Ngunit naawa pa rin ang Dios sa kanila,pinatawad ang mga kasalanan nila at hindi sila nilipol.Maraming beses niyang pinigil ang kanyang galit kahit napakatindi na ng kanyang poot.

39. Naisip niyang mga tao lang sila,parang hangin na dumadaan at biglang nawawala.

40. Madalas silang maghimagsik sa Dios doon sa ilang at pinalungkot nila siya.

41. Paulit-ulit nilang sinubok ang Dios;ginalit nila ang Banal na Dios ng Israel.

42. Kinalimutan nila ang kanyang kapangyarihan na ipinakita noong iniligtas niya sila mula sa kanilang mga kaaway,

43. pati ang mga ginawa niyang mga himala at mga kahanga-hangang gawa roon sa Zoan sa lupain ng Egipto.

44. Ginawa niyang dugo ang mga ilog sa Egipto, at dahil dito wala silang mainom.

45. Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw upang parusahan sila,at mga palaka upang pinsalain sila.

46. Ipinakain niya sa mga balang ang kanilang mga pananim at mga ani.

47. Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas at mga punong sikomoro sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo.

48. Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop sa pamamagitan ng kidlat at pag-ulan ng malalaking yelo.

49. Dahil sa napakatinding poot at galit niya sa kanila,nagpadala rin siya ng mga anghel upang ipahamak sila.

50. Hindi pinigilan ng Dios ang kanyang poot.Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan.Sa halip ay pinatay sila sa pamamagitan ng mga salot.

Salmo 78