Salmo 74:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. O Dios, hanggang kailan mo kami itatakwil?Bakit kayo nagagalit sa mga taong inyong kinakalinga?

2. Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan na inyong pinili, ang lahing tinubos nʼyo, mula pa noong una at ginawa nʼyong pinakatangi-tanging kayamanan.Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion na inyong tahanan.

3. Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin hanggang ngayon;tingnan nʼyo kung paanong sinira ng mga kaaway ang lahat sa templo.

4. Sumigaw sila sa loob ng inyong templo.Nagtaas pa sila roon ng mga bandila bilang simbolo ng kanilang tagumpay.

5. Sinibak nila ang templo na parang pumuputol ng punongkahoy sa gubat gamit ang palakol.

6. Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan sa pamamagitan ng mga palakol.

7. Nilapastangan at sinunog nila ang inyong tahanan.

8. Sinabi nila sa kanilang sarili, “Lipulin natin silang lahat!”Sinunog nila ang lahat ng lugar na pinagsasambahan sa inyo, O Dios.

9. Wala nang palatandaan na kasama namin kayo.Wala nang propetang naiwan at walang nakakaalam kung hanggang kailan matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.

10. O Dios, hanggang kailan kayo kukutyain ng aming mga kaaway?Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin ang inyong pangalan habang buhay?

Salmo 74