Salmo 72:14-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.

15. Mabuhay sana ang hari nang matagal.Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.

16. Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,kasindami ng damo sa mga parang.

17. Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.

18. Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.

19. Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.Amen! Amen!

20. Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.

Salmo 72