Salmo 35:2-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Kunin nʼyo ang inyong kalasag,at akoʼy inyong tulungan.

3. Ihanda nʼyo ang inyong mga sibat,para sa mga taong humahabol sa akin.Gusto kong marinig na sabihin nʼyo,“Ako ang magpapatagumpay sa iyo.”

4. Mapahiya sana ang mga taong naghahangad na akoʼy patayin.Paatrasin nʼyo at biguin ang mga nagpaplano ng masama sa akin.

5. Maging gaya sana sila ng ipa na tinatangay ng hangin,habang silaʼy itinataboy ng inyong anghel.

6. Maging madilim sana at madulas ang kanilang dinadaanan,habang silaʼy hinahabol ng inyong anghel.

7. Naghukay sila at naglagay ng bitag para sa akin,kahit wala akong ginawang masama sa kanila.

8. Dumating sana sa kanila ang kapahamakan nang hindi nila inaasahan.Sila sana ang mahuli sa bitag na kanilang ginawa,at sila rin ang mahulog sa hukay na kanilang hinukay.

9. At akoʼy magagalakdahil sa inyong pagliligtas sa akin, Panginoon.

10. Buong puso kong isisigaw,“Panginoon, wala kayong katulad!Kayo ang nagliligtas sa mga dukha at api mula sa mga mapagsamantala.”

11. May mga malupit na taong sumasaksi laban sa akin.Ang kasalanang hindi ko ginawa ay ibinibintang nila sa akin.

12. Ginagantihan nila ako ng masama sa mga kabutihang aking ginawa,kaya akoʼy labis na nagdaramdam.

13. Kapag silaʼy nagkakasakit akoʼy nalulungkot para sa kanila;nagdaramit ako ng sako at nag-aayuno pa.At kung ang aking dalangin para sa kanilaʼy hindi sinasagot,

14. palakad-lakad akong nagluluksa na parang nawalan ng kapatid o kaibigan,at akoʼy yumuyuko at nagdadalamhati para sa kanila na para bang nawalan ako ng ina.

15. Ngunit nang ako na ang nahihirapan, nagkakatipon sila at nagtatawanan.Nagsasama-sama ang mga sa akin ay kumakalaban;kahit ang mga hindi ko kilala ay sumasamaʼt walang tigil na akoʼy hinahamak.

Salmo 35