Salmo 147:8-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan,at pinauulanan niya ang mundo,at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.

9. Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito.

10. Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal.

11. Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanyaat nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.

12. Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem!

13. Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan,at kayoʼy kanyang pinagpapala.

14. Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar,at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo.

15. Inuutusan niya ang mundo,at agad naman itong sumusunod.

16. Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot,at ikinakalat na parang abo.

17. Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato.Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito.

18. Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw.Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos.

19. Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.

20. Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;hindi nila alam ang kanyang mga utos.Purihin ang Panginoon!

Salmo 147