Salmo 107:26-39 Ang Salita ng Dios (ASND)

26. Kaya pumapaitaas ang kanilang barko nang napakataas at pumapailalim.At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.

27. Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,at hindi na alam kung ano ang gagawin.

28. Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,at silaʼy iniligtas niya mula sa kapahamakan.

29. Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat.

30. At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.

31. Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.

32. Dapat nilang parangalan ang Dios sa kanilang pagtitipon,at purihin siya sa pagtitipon ng mga namamahala sa kanila.

33. Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,at ang mga bukal na maging tuyong lupa.

34. Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.

35. Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.

36. Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.

37. Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,kaya sagana sila pagdating ng anihan.

38. Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.

39. Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.

Salmo 107