Roma 8:14-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ay mga anak ng Dios.

15. At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios.

16. Ang Banal na Espiritu at ang ating espiritu ay parehong nagpapatunay na tayoʼy mga anak ng Dios.

17. At bilang mga anak, mga tagapagmana tayo ng Dios at kasama ni Cristo na magmamana ng mga pagpapalang inilaan niya. Sapagkat kung magtitiis tayo kagaya ni Cristo noon, darating ang araw na pararangalan din tayong kasama niya.

18. Para sa akin, ang mga paghihirap sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa napakagandang kalagayan na mapapasaatin balang araw.

19. Maging ang buong nilikha ay sabik na naghihintay na ihayag ng Dios ang mga anak niya.

20. Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Dios ay hindi nakaabot sa layuning para sa kanila. Nangyari ito hindi dahil sa gusto nila, kundi dahil ito ang gusto ng Dios. Pero may pag-asa pa,

21. dahil palalayain din niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito, at makakasama rin sa napakagandang kalagayan ng mga anak ng Dios.

22. Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay naghihirap at dumaraing tulad ng isang babaeng manganganak na.

Roma 8