Roma 6:15-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Ngayon, dahil wala na tayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa biyaya na ng Dios, nangangahulugan bang magpapatuloy pa rin tayo sa paggawa ng kasalanan? Aba, hindi!

16. Hindi nʼyo ba alam na alipin tayo ng anumang sinusunod natin? Kaya kung sinusunod natin ang kasalanan, alipin tayo ng kasalanan at ang dulot nitoʼy kamatayan. Pero kung sumusunod tayo sa Dios, mga alipin tayo ng Dios at ang dulot nitoʼy katuwiran.

17. Noong una, alipin kayo ng kasalanan. Pero salamat sa Dios dahil ngayon, buong puso ninyong sinusunod ang mga aral na itinuro sa inyo.

18. Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayoʼy mga alipin na kayo ng katuwiran.

19. Ginagamit ko bilang halimbawa ang tungkol sa mga alipin para madali ninyong maunawaan ang ibig kong sabihin. Noong unaʼy nagpaalipin kayo sa karumihan at kasamaan, at naging masama nga kayo. Ngayon namaʼy magpaalipin kayo sa kabutihan para maging banal kayo.

20. Noong alipin pa kayo ng kasalanan, wala kayong pakialam sa matuwid na pamumuhay.

21. Ano nga ba ang napala ninyo sa dati ninyong pamumuhay na ikinakahiya na ninyo ngayon? Ang dulot ng mga iyon ay kamatayan.

22. Pero pinalaya na kayo sa kasalanan at alipin na kayo ng Dios. At ang dulot nitoʼy kabanalan at buhay na walang hanggan.

23. Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Dios ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Roma 6