23. Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios.
24. Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios.
25. Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila.
26. Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus.
27. Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus.
28. Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan.
29. Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat.
30. Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo.
31. Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.