Roma 2:7-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, papuri mula sa Dios, at buhay na walang kamatayan.

8. Sa iba naman na walang iniisip kundi ang sarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan, ibubuhos sa kanila ng Dios ang kanyang matinding galit.

9. Lahat ng taong gumagawa ng masama ay parurusahan ng Dios, ang mga Judio muna bago ang mga hindi Judio.

10. Ngunit bibigyan ng Dios ng papuri, karangalan at kapayapaan ang lahat ng gumagawa ng kabutihan, una ang mga Judio bago ang mga hindi Judio.

11. Sapagkat pantay-pantay ang pagtingin ng Dios sa lahat ng tao.

12. Ang mga taong nagkakasala na walang alam sa Kautusan ni Moises ay mapapahamak, at ang kaparusahan nila ay hindi ibabatay sa Kautusan. Ang mga nakakaalam naman ng Kautusan ni Moises, pero patuloy na gumagawa ng kasamaan ay parurusahan na batay sa Kautusan.

13. Sapagkat hindi ang nakikinig sa Kautusan ang itinuturing ng Dios na matuwid kundi ang tumutupad nito.

14. Ang mga hindi Judio ay walang kaalaman tungkol sa Kautusan ni Moises. Pero kung gumagawa sila nang naaayon sa sinasabi ng Kautusan, ipinapakita nila na kahit wala silang alam tungkol dito ay alam nila ang nararapat gawin.

15. Ang mabubuting gawa nila ay nagpapakita na ang iniuutos ng Kautusan ay nakaukit sa kanilang puso. Pinatutunayan ito ng kanilang konsensya, dahil kung minsaʼy inuusig sila nito at kung minsan namaʼy ipinagtatanggol.

16. At ayon sa Magandang Balita na itinuturo ko, ang konsensya ay pagbabatayan din sa araw na hahatulan ng Dios, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang lahat ng lihim ng mga tao.

17. Sinasabi ninyo na mga Judio kayo, nagtitiwala kayo sa Kautusan at ipinagmamalaki ang inyong kaugnayan sa Dios.

18. Alam ninyo kung ano ang kalooban ng Dios at alam din ninyo kung ano ang dapat gawin, dahil itinuro ito sa inyo sa Kautusan.

Roma 2