Roma 15:17-33 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. At dahil akoʼy nakay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking mga nagawa para sa Dios.

18. At wala akong ibang ipinagmamalaki kundi ang mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, na nahikayat ko ang mga hindi Judio na sumunod sa Dios sa pamamagitan ng aking mga aral at mga gawa,

19. sa tulong ng mga himala at kamangha-manghang mga bagay na gawa ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kaya naipangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo mula sa Jerusalem hanggang Iliricum.

20. Ang tanging nais koʼy maipangaral ang Magandang Balita sa mga lugar na hindi pa naipapangaral si Cristo para hindi ako makapangaral sa lugar na may gawaing pinasimulan na ng iba.

21. Sinasabi sa Kasulatan,“Makikilala siya ng mga hindi pa nasasabihan ng tungkol sa kanya.Makakaunawa ang mga hindi pa nakakarinig.”

22. Ang pangangaral ko sa mga lugar dito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ako nakakarating diyan sa inyo.

23. Pero ngayong natapos ko na ang mga gawain ko rito, at dahil matagal ko nang gustong pumunta riyan,

24. inaasahan kong magkikita-kita na tayo ngayon. Dadaan ako riyan sa pagpunta ko sa España. At alam kong magiging masaya ako sa ating pagkikita kahit saglit lang. Inaasahan ko rin na matutulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa España mula riyan.

25. Pero sa ngayon, kailangan ko munang pumunta sa Jerusalem para ihatid ang tulong sa mga pinabanal ng Dios.

26. Sapagkat minabuti ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya na magbigay ng tulong para sa mga mahihirap na pinabanal ng Dios doon sa Jerusalem.

27. Masaya nilang ginagawa ito, at ito ang nararapat, dahil may utang na loob sila sa mga kapatid sa Jerusalem. Kung ang mga hindi Judio ay nakabahagi sa pagpapalang espiritwal ng mga Judio, dapat lang na tulungan nila ang mga Judio sa mga pagpapalang materyal.

28. Pagkatapos kong maihatid ang nakolektang tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, dadaan ako riyan sa inyo bago ako pumunta sa España.

29. Naniniwala ako na pagdating ko riyan, dala ko ang maraming pagpapala para sa inyo mula kay Cristo.

30. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig na bigay ng Banal na Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na panalangin sa Dios para sa akin.

31. Ipanalangin ninyo na maligtas ako sa mga di-mananampalataya sa Judea, at malugod na tanggapin ng mga pinabanal ng Dios sa Jerusalem ang dala kong tulong para sa kanila.

32. Sa ganoon, masaya akong darating diyan sa inyo kung loloobin ng Dios, at makakapagpahinga sa piling ninyo.

33. Patnubayan nawa kayo ng Dios na nagbibigay ng kapayapaan. Amen.

Roma 15