Panaghoy 5:1-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Panginoon, alalahanin nʼyo po ang nangyari sa amin. Masdan nʼyo ang dinanas naming kahihiyan.

2. Kinuha ng mga dayuhan ang mga lupaʼt bahay namin.

3. Naulila kami sa ama, kaya nabiyuda ang aming mga ina.

4. Kinakailangang bayaran pa namin ang tubig na aming iniinom at ang kahoy na aming ipinanggagatong.

5. Pinagtatrabaho kaming parang mga hayop at hindi man lang pinagpapahinga.

6. Nagpasakop kami sa mga taga-Egipto at Asiria para magkaroon ng pagkain.

7. Ang mga ninuno naming patay na ang nagkasala pero kami ngayon ang nagdurusa dahil sa kanilang kasalanan.

8. Napailalim kami sa mga alipin at walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay.

9. Sa paghahanap namin ng pagkain, nanganib ang aming mga buhay sa mga armadong tao sa disyerto.

10. Nilalagnat kami dahil sa matinding gutom, at ang aming katawan ay kasing init ng pugon.

11. Pinagsamantalahan ang mga asawa namin sa Jerusalem at ang mga anak naming babae sa mga bayan ng Juda.

12. Ibinitin sa pamamagitan ng pagtali sa kamay ang aming mga tagapamahala at hindi iginalang ang aming matatanda.

Panaghoy 5