Panaghoy 4:6-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Ang parusa sa aking mga kababayan ay higit pa sa parusa sa mga taga-Sodom, na biglang winasak ng Dios at ni walang tumulong.

7. Ang mga pinuno ng Jerusalem, nooʼy malulusog at malalakas ang katawan. Nakakasilaw ang kanilang kaputian gaya ng snow o gatas, at mamula-mula ang kutis tulad ng mga mamahaling bato.

8. Pero ngayon, hindi na sila makilala at mas maitim pa kaysa sa uling. Mga butoʼt balat na lamang sila at parang kahoy na natuyo.

9. Di-hamak na mas mabuti pa ang mga namatay sa digmaan kaysa sa mga namatay sa gutom na unti-unting namatay dahil sa walang makain.

10. At dahil sa kapahamakang ito na nangyari sa aking mga kababayan, ang mga mapagmahal na ina ay napilitang iluto ang sarili nilang mga anak para kainin dahil sa labis na gutom.

11. Ibinuhos ng Panginoon ang matindi niyang poot sa Jerusalem, sinunog niya ito pati na ang pundasyon nito.

12. Hindi makapaniwala ang mga hari sa buong mundo pati na ang kanilang mga nasasakupan, na mapapasok ng mga kaaway ang mga pintuan ng Jerusalem.

13. Pero nangyari ito dahil sa kasalanan ng mga propeta at mga pari nito na pumatay ng mga taong walang kasalanan.

14. Sila ngayon ay nangangapa sa mga lansangan na parang mga bulag. Puno ng dugo ang kanilang mga damit, kaya walang sinumang nagtangkang humipo sa kanila.

15. Pinagsisigawan sila ng mga tao, “Lumayo kayo! Marumi kayo. Huwag nʼyo kaming hipuin.” Kaya lumayo silaʼt nagpalaboy-laboy sa ibang mga bansa pero walang tumanggap sa kanila.

16. Ang Panginoon ang siyang nagpangalat sa kanila at hindi na niya sila pinapansin. Hindi na iginagalang ang mga pari at ang mga tagapamahala.

17. Lumalabo na ang aming paningin sa kahihintay ng tulong ng aming mga kakamping bansa, pero hindi sila tumulong sa amin. Sa mga tore namin ay nagbantay kami at naghintay sa pagdating ng mga bansang ito na hindi rin makapagliligtas sa amin.

Panaghoy 4