Panaghoy 3:40-56 Ang Salita ng Dios (ASND)

40. Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay at magbalik-loob sa Panginoon.

41. Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Dios na nasa langit at sabihin:

42. “Panginoon, nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo, at hindi nʼyo kami pinatawad.

43. Nagalit kayo sa amin at inusig kami at walang awang pinatay.

44. Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili para hindi nʼyo marinig ang aming mga dalangin.

45. Ginawa nʼyo kaming parang basura sa paningin ng ibaʼt ibang bansa.

46. Kinutya kami ng lahat ng aming mga kaaway.

47. Dumanas kami ng matinding takot, panganib, pagkasira at kapahamakan.”

48. Napaluha ako dahil sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi.

49. Patuloy akong iiyak

50. hanggang sa tumunghay ang Panginoon mula sa langit.

51. Labis akong nasaktan sa sinapit ng mga kababaihan ng aking lungsod.

52. Hinahabol ako ng aking mga kaaway na parang isang ibon, kahit na wala naman akong nagawang kasalanan sa kanila.

53. Sinubukan nila akong patayin sa pamamagitan ng pambabato at paghulog sa balon.

54. Halos malunod na ako at ang akala koʼy mamamatay na ako.

55. Doon sa ilalim ng balon, tumawag ako sa inyo Panginoon.

56. Pinakinggan nʼyo ang pagmamakaawa ko at paghingi ng tulong.

Panaghoy 3