4. Iniumang niya ang kanyang pana sa mga mamamayan niyang naging parang mga kaaway niya. Pinatay ang lahat ng ipinagmamalaki nitong mga mamamayan. Ibinuhos na parang apoy ang kanyang matinding galit sa mga mamamayan ng Jerusalem.
5. Winasak ng Panginoon ang Israel na parang isang kaaway. Sinira niya ang lahat ng mga pader sa bayan at mga palasyo. Dinagdagan ang kanilang pagdadalamhati at pag-iyak.
6. Winasak niya ang templo na parang isang halamanan lang. Binura niya sa alaala ng mga taga-Jerusalem ang itinakdang mga pista at ang Araw ng Pamamahinga. Sa kanyang matinding galit, itinakwil niya ang hari at pari.
7. Itinakwil din ng Panginoon ang kanyang altar at templo. Ipinagiba sa kamay ng mga kaaway ang mga pader nito at nagsigawan ang mga ito sa templo ng Panginoon na parang nagdaraos ng pista.
8. Nagpasya ang Panginoon na ipagiba ang mga pader na nakapalibot sa lungsod ng Jerusalem. Plinanong mabuti ang paggiba at hindi pinigilan ang sarili na gawin iyon. Kaya nagiba nga ang mga pader na bumabakod doon.
9. Bumagsak sa lupa ang mga pintuang bayan ng Jerusalem. Sinira at binali ng Panginoon ang mga saraduhan nito. Binihag ang hari at mga pinuno at dinala sa malayong mga bansa. Hindi na rin itinuturo ang kautusan at wala na ring mensahe o pangitain ang Panginoon sa kanyang mga propeta.
10. Ang mga tagapamahala ng Jerusalem ay tahimik na nakaupo sa lupa, naglagay ng abo sa ulo at nagdamit ng sako para ipakita ang kanilang pagdadalamhati. At ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakayuko sa lupa dahil sa hiya.
11. Namugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Labis na nababagabag at parang sasabog na ang dibdib ko sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi. Nawalan ng malay sa mga lansangan ang mga bata at mga sanggol.
12. Umiiyak silaʼt humihingi ng pagkain at maiinom sa kanilang mga ina. Nawalan sila ng malay tulad ng mga sugatang sundalo sa mga lansangan ng lungsod hanggang sa unti-unting mamatay sa kanlungan ng kanilang ina.