Panaghoy 2:12-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Umiiyak silaʼt humihingi ng pagkain at maiinom sa kanilang mga ina. Nawalan sila ng malay tulad ng mga sugatang sundalo sa mga lansangan ng lungsod hanggang sa unti-unting mamatay sa kanlungan ng kanilang ina.

13. O Jerusalem, ano pa bang masasabi ko sa iyo? Saan pa ba kita maihahambing? Kasinlalim ng dagat ang sugat mo. Paano kita maaaliw? Sino ang makapagpapagaling sa iyo?

14. Ang pangitaing nakita ng iyong mga propeta ay hindi totoo, walang kabuluhan at mapanlinlang. Ang mga kasalanan moʼy hindi nila inihayag sa iyo upang hindi kayo mabihag.

15. Ang lahat ng dumadaaʼy pumapalakpak, sumusutsot at nangungutya. Sinasabi nila, “Ito ba ang lungsod na sinasabing ‘Pinakamaganda at kagalakan ng buong mundo?’ ”

16. Kinukutya ka ng lahat ng kaaway mo. Sumusutsot at pinangangalit ang mga ngipin nila at sinabi, “Tuluyan na nating nawasak ang Jerusalem! Ito na ang araw na ating pinakahihintay. At ngayon ngaʼy nakita na natin ito!”

17. Ginawa ng Panginoon ang kanyang plano. Tinupad niya ang sinabi niya noon. Walang awa ka niyang giniba, O Jerusalem! Binigyan niya ng kagalakan ang mga kaaway mo at hinayaan silang ipagyabang ang kanilang kapangyarihan.

18. Mga taga-Jerusalem, tumawag kayo sa Panginoon. Umiyak kayo araw at gabi at paagusin ang inyong mga luha na parang ilog. Huwag kayong tumigil sa pag-iyak.

19. Bumangon kayo sa gabi at humingi ng tulong sa Panginoon. Ibuhos ninyo sa kanya ang laman ng inyong mga puso, na para kayong nagbubuhos ng tubig. Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa pananalangin para sa inyong mga anak na nawawalan ng malay sa mga lansangan dahil sa gutom.

20. Masdan nʼyo po kami Panginoon. Isipin nʼyo kung sino ang pinaparusahan nʼyo ng ganito. Dahil sa labis na pagkagutom, kinain ng mga ina ang mga anak nila na kanilang inaalagaan. Ang mga pari at ang mga propeta ay pinapatay sa inyong templo.

21. Nakahambalang sa mga lansangan ang mga bangkay ng mga bata at matatanda. Namamatay sa digmaan ang mga kabataang lalaki at babae. Sa inyong galit, walang habag nʼyo silang pinatay.

22. Niyaya nʼyo ang mga kaaway para kabi-kabilang salakayin ako, para kayong nagyayaya sa kanila sa handaan. Sa araw na iyon na ibinuhos nʼyo ang inyong galit, walang nakatakas o natirang buhay. Pinatay ng aking mga kaaway ang aking mga anak na isinilang at pinalaki.

Panaghoy 2