Panaghoy 1:4-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Ang mga daan patungo sa Jerusalem ay puno na ng kalungkutan, dahil wala nang dumadalo sa mga takdang pista. Sa mga pintuang bayan ay wala na ring mga tao. Ang mga pari ay dumadaing, at ang mga dalaga ay nagdadalamhati. Napakapait ng sinapit ng Jerusalem.

5. Pinamunuan sila ng kanilang mga kaaway, at yumaman ang mga ito. Sapagkat pinahirapan ng Panginoon ang Jerusalem dahil napakarami nitong kasalanan. Ang kanyang mga mamamayan ay binihag ng mga kaaway.

6. Ang kagandahan ng Jerusalem ay naglaho na. Ang kanyang mga pinuno ay parang mga gutom na usa na naghahanap ng pastulan. Silaʼy nanghihina na habang tumatakas sa mga tumutugis sa kanila.

7. Ngayong ang Jerusalem ay nagdadalamhati at naguguluhan, naalala niya ang lahat ng dati niyang yaman. Nang mahulog siya sa kamay ng mga kaaway niya, walang sinumang tumulong sa kanya. At nang siyaʼy bumagsak, kinutyaʼt tinawanan pa siya ng mga kaaway niya.

8. Napakalaki ng kasalanan ng Jerusalem, kaya naging marumi siya. Ang lahat ng pumupuri noon sa kanya ngayoʼy hinahamak na siya, dahil nakita nila ang kanyang kahihiyan. Sa hiya ay napadaing siya at tumalikod.

9. Nahayag sa lahat ang kanyang karumihan, at hindi niya inalala ang kanyang kasasapitan. Malagim ang kanyang naging pagbagsak, at walang sinumang tumutulong sa kanya. Kaya sinabi niya, “O Panginoon tingnan nʼyo po ang aking paghihirap, dahil tinalo ako ng aking mga kaaway.”

10. Kinuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan niya. Sa temploʼy nakita niyang pumapasok ang mga taong hindi pinahihintulutan ng Panginoon na pumasok doon.

11. Ang mga mamamayan niyaʼy dumadaing habang naghahanap ng pagkain. Ipinagpalit nila ang kanilang mga kayamanan para sa pagkain upang mabuhay. Sinabi ng Jerusalem, “O Panginoon, pagmasdan nʼyo ako dahil akoʼy nasa kahihiyan.”

12. Sinabi rin niya sa mga dumaraan, “Balewala lang ba ito sa inyo? May nakita ba kayong naghirap na kagaya ko? Ang paghihirap na ito ay ipinataw sa akin ng Panginoon nang magalit siya sa akin.

13. Mula sa langit, nagpadala siya ng apoy na tila sumusunog sa aking mga buto. Naglagay siya ng bitag para sa aking mga paa at nahuli ako. Iniwanan niya akong nanghihina buong araw.

14. Inipon niya ang lahat ng aking mga kasalanan at inilagay sa aking batok bilang pamatok. At ito ang nagdala sa akin sa pagkabihag. Pinanghina ako ng Panginoon at ibinigay sa kamay ng mga kaaway na hindi ko kayang labanan.

15. Itinakwil ng Panginoon ang lahat ng mga kawal ko. Tinipon niya ang aking mga kaaway para lipulin ang aking mga kabataang sundalo. Ang mga mamamayan ng Juda ay naging tulad ng ubas na ipinasok ng Panginoon sa pigaan at tinapak-tapakan.

16. Iyan ang dahilan kung bakit umiiyak ako. Walang nagpapalakas sa akin ni walang umaalo. Nakakaawa ang aking mga mamamayan dahil natalo sila ng kanilang mga kaaway.”

Panaghoy 1