Panaghoy 1:15-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Itinakwil ng Panginoon ang lahat ng mga kawal ko. Tinipon niya ang aking mga kaaway para lipulin ang aking mga kabataang sundalo. Ang mga mamamayan ng Juda ay naging tulad ng ubas na ipinasok ng Panginoon sa pigaan at tinapak-tapakan.

16. Iyan ang dahilan kung bakit umiiyak ako. Walang nagpapalakas sa akin ni walang umaalo. Nakakaawa ang aking mga mamamayan dahil natalo sila ng kanilang mga kaaway.”

17. Humingi ng tulong ang Jerusalem pero walang tumulong sa kanya. Sapagkat niloob ng Panginoon na makaaway ng lahi ni Jacob ang mga bansa sa palibot niya. Itinuring nilang napakarumi ng Jerusalem sa paningin nila.

18. Sinabi ng Jerusalem, “Matuwid ang Panginoon, pero hindi ko sinunod ang kanyang mga utos. Kaya lahat kayo, pakinggan ninyo ako at tingnan ang aking paghihirap. Ang mga kabataan kong babae at lalaki ay binihag.

19. Humingi ako ng tulong sa aking mga kakampi pero pinagtaksilan nila ako. Namatay ang aking mga pari at ang mga tagapamahala ng lungsod habang naghahanap ng pagkain para mabuhay.

20. “Panginoon, masdan nʼyo po ang aking kagipitan! Nababagabag at parang pinipiga ang puso ko, dahil naghihimagsik ako sa inyo. Kabi-kabila ang patayan sa aking mga lansangan pati na sa loob ng bahay ko.

21. Narinig ng mga tao ang pagdaing ko ngunit wala kahit isang umaalo sa akin. Nalaman ng lahat ng kaaway ko ang aking mga paghihirap at natuwa sila sa ginawa nʼyong ito sa akin. Dumating na sana ang araw na ipinangako nʼyong pagpaparusa sa kanila, para maging katulad ko rin sila.

22. Masdan nʼyo ang lahat ng kasamaang ginagawa nila; parusahan nʼyo sila tulad ng pagpaparusa nʼyo sa akin dahil sa lahat ng aking kasalanan. Paulit-ulit akong dumadaing at parang mawawalan na ako ng malay.”

Panaghoy 1