Pahayag 8:1-6 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Nang tanggalin ng Tupa ang ikapitong selyo, tumahimik ang langit ng mga kalahating oras.

2. Pagkatapos, nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Dios. Ang bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng trumpeta.

3. May isa pang anghel na lumapit sa altar, dala ang isang gintong lalagyan ng insenso. Binigyan siya ng maraming insenso para maisama niya sa mga dalangin ng lahat ng mga pinabanal ng Dios at maihandog sa gintong altar sa harap ng trono.

4. Mula sa kamay ng anghel ay pumailanlang sa harap ng Dios ang usok ng insenso kasama ang mga panalangin ng mga pinabanal.

5. Pagkatapos, kumuha ang anghel ng mga baga sa altar at pinuno ang lalagyan ng insenso, at inihagis sa lupa. At bigla namang kumidlat, kumulog, umugong at lumindol.

6. Nakahanda na ang pitong anghel upang patunugin ang kanilang trumpeta.

Pahayag 8