1. Pagkatapos nito, nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng mundo. Pinipigil nila ang apat na hangin upang walang hanging umihip sa lupa, sa dagat o sa alin mang punongkahoy.
2. At nakita ko ang isa pang anghel na galing sa silangan na taglay ang pantatak ng buhay na Dios. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Dios ng kapangyarihang maminsala sa lupa at dagat.
3. Sinabi niya, “Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hanggaʼt hindi pa natin natatatakan sa noo ang mga lingkod ng ating Dios.”
4. Ayon sa narinig ko, 144,000 ang lahat ng tinatakan mula sa 12 lahi ng Israel.
5. 12,000 mula sa lahi ni Juda;12,000 mula sa lahi ni Reuben;12,000 mula sa lahi ni Gad;
6. 12,000 mula sa lahi ni Asher;12,000 mula sa lahi ni Naftali;12,000 mula sa lahi ni Manase;
7. 12,000 mula sa lahi ni Simeon;12,000 mula sa lahi ni Levi;12,000 mula sa lahi ni Isacar;
8. 12,000 mula sa lahi ni Zebulun;12,000 mula sa lahi ni Jose;12,000 mula sa lahi ni Benjamin.
9. Pagkatapos nito, nakita ko ang napakaraming tao na hindi mabilang sa dami. Nagmula sila sa lahat ng bansa, angkan, lahi at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Tupa. Silang lahat ay nakadamit ng puti at may mga hawak na palaspas.
10. Sumisigaw sila nang malakas, “Purihin ang Dios na nakaupo sa trono, at purihin din ang Tupa dahil iniligtas nila kami sa kaparusahan!”