1. Nakita kong tinanggal ng Tupa ang una sa pitong selyo ng nakarolyong kasulatan. At narinig kong nagsalita sa tinig na parang kulog ang isa sa apat na buhay na nilalang: “Halika!” ang sabi niya.
2. Nang tumingin ako, nakita ko ang isang puting kabayo. Ang nakasakay sa kabayo ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona. At umalis siya upang lumusob at magtagumpay sa pakikipagdigma.
3. Nang tanggalin ng Tupa ang ikalawang selyo, narinig kong sinabi ng ikalawang buhay na nilalang, “Halika!”
4. At lumitaw ang isang pulang kabayo. Ang nakasakay ay binigyan ng malaking espada at kapangyarihan upang magpasimula ng digmaan sa mundo at magpatayan ang mga tao.
5. Nang tanggalin ng Tupa ang ikatlong selyo, narinig kong sinabi ng ikatlong buhay na nilalang, “Halika!” At nakita ko ang isang itim na kabayo. Ang nakasakay ay may hawak na timbangan.
6. May narinig akong parang tinig mula sa apat na buhay na nilalang. At sinabi sa nakasakay sa kabayo, “Itaas mo ang presyo ng pagkain. Ang presyo ng isang kilo ng harinang trigo ay dapat isang araw na sahod, at ganoon din ang presyo ng tatlong kilo ng harinang sebada. Pero huwag itaas ang presyo ng langis at alak!”
7. Nang tanggalin ng Tupa ang ikaapat na selyo, narinig kong sinabi ng ikaapat na buhay na nilalang, “Halika!”
8. At nakita ko ang isang maputlang kabayo. Ang pangalan ng nakasakay ay Kamatayan, at kasunod nito ang Hades. Binigyan sila ng kapangyarihang patayin ang ikaapat na bahagi ng populasyon ng mundo sa pamamagitan ng digmaan, gutom, sakit at mababangis na hayop.