1. “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Sardis:“Ito ang mensahe ng may pitong Espiritu ng Dios at may hawak na pitong bituin: Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Marami ang nagsasabi na buhay na buhay ang pananampalataya nʼyo sa akin, ngunit ang totoo, para kayong patay.
2. Gumising kayo at pasiglahin ang natitira ninyong pananampalataya, para hindi tuluyang mamatay. Dahil nakikita ko na ang mga gawa nʼyo ay hindi pa ganap sa paningin ng aking Dios.
3. Kaya alalahanin ninyo ang mga aral na tinanggap ninyo. Sundin ninyo ang mga iyon at pagsisihan ang inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo gigising, darating ako sa oras na hindi ninyo inaasahan, tulad ng isang magnanakaw na hindi ninyo alam kung kailan darating.
4. Ngunit may ilan sa inyo riyan sa Sardis na hindi nahawa sa masamang gawain ng iba. Lalakad silang kasama ko na nakasuot ng puting damit, dahil karapat-dapat sila.
5. Ang magtatagumpay ay bibihisan ng puting damit at hindi ko aalisin ang pangalan niya sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Ipapakilala ko sila sa aking Ama at sa kanyang mga anghel na sila ay mga tagasunod ko.
6. “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”
7. “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Filadelfia:“Ito ang mensahe ng banal at mapagkakatiwalaan na may hawak ng susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pinto ng kaharian, walang makapagsasara nito. At kapag isinara niya, wala sinumang makapagbubukas nito:
8. Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Kahit kakaunti ang inyong kakayahan, sinunod ninyo ang mga turo ko at naging tapat kayo sa akin. Kaya nagbukas ako ng pintuan para sa inyo na walang sinumang makapagsasara.
9. Makinig kayo! Ito naman ang gagawin ko sa mga kampon ni Satanas na mga sinungaling at nagpapanggap na mga Judio: Paluluhurin ko sila sa harapan ninyo, at malalaman nila na mahal ko kayo.
10. Darating ang matinding kahirapan sa buong mundo na susubok sa mga tao. Ngunit dahil sinunod ninyo ang utos ko na magtiis, ililigtas ko kayo sa panahong iyon.
11. Malapit na akong dumating. Kaya ipagpatuloy ninyo ang mabubuti ninyong gawa upang hindi maagaw ng kahit sino ang gantimpalang inihanda para sa inyo.