10. At si Satanas na dumaya sa kanila ay itatapon sa lawang apoy at asupre, na siya ring pinagtapunan ng halimaw at ng huwad at sinungaling na propeta. Magkakasama silang parurusahan at pahihirapan araw-gabi, magpakailanman.
11. Pagkatapos, nakita ko ang malaki at puting trono at ang nakaupo roon. Ang langit at ang lupa ay biglang naglaho at hindi na nakita.
12. At nakita ko ang mga namatay, tanyag at hindi, na nakatayo sa harap ng trono. Binuksan ang mga aklat, pati na ang aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. At ang bawat isa sa kanila ay hinatulan ayon sa ginawa nila na nakasulat sa mga aklat na iyon.
13. Kahit sa dagat sila namatay o sa lupa, naglabasan sila mula sa lugar ng mga patay. At hinatulan ang lahat ayon sa mga ginawa nila.