16. Kaya magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo! Sapagkat kung hindi, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon at kakalabanin ko ang mga taong iyan na sumusunod sa mga maling aral sa pamamagitan ng espada na lumalabas sa aking bibig.
17. “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng pagkain na inilaan ko sa langit. Bibigyan ko rin ang bawat isa sa kanila ng puting bato na may nakasulat na bagong pangalan na walang ibang nakakaalam kundi ang makakatanggap nito.”
18. “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Tiatira:“Ito ang mensahe ng Anak ng Dios, na ang mga mataʼy nagliliyab na parang apoy at ang mga paaʼy nagniningning na parang pinakintab na tanso:
19. Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam ko na mapagmahal kayo, matapat, masigasig maglingkod at matiyaga. Alam ko rin na higit pa ang ginagawa ninyo ngayon kaysa sa noong una.
20. Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: Hinahayaan ninyo lang na magturo ang babaeng si Jezebel na nagpapanggap na propeta. Nililinlang niya ang mga taong naglilingkod sa akin at hinihikayat na gumawa ng sekswal na imoralidad at kumain ng mga inihandog sa mga dios-diosan.
21. Binigyan ko siya ng panahon upang magsisi sa kanyang imoralidad, ngunit ayaw niya.
22. Makinig kayo! Bibigyan ko siya ng karamdaman hanggang sa hindi na siya makabangon sa higaan. Parurusahan ko siya nang matindi pati ang mga nakipagrelasyon sa kanya, kung hindi sila magsisisi sa kanilang kasamaan.
23. Papatayin ko ang mga tagasunod niya upang malaman ng lahat ng iglesya na alam ko ang iniisip at hinahangad ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa mga ginawa ninyo.
24. “Pero ang iba sa inyo riyan sa Tiatira ay hindi sumusunod sa mga turo ni Jezebel. Hindi kayo natuto ng tinatawag nilang ‘malalalim na mga turo ni Satanas.’ Kaya wala na akong idadagdag pang tuntunin na dapat ninyong sundin.
25. Ipagpatuloy na lang ninyo ang inyong katapatan sa akin hanggang sa pagdating ko.
26-27. Sapagkat ang mga magtatagumpay at patuloy na sumusunod sa kalooban ko hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng kapangyarihang mamahala sa mga bansa, tulad ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng aking Ama. Mamamahala sila sa pamamagitan ng kamay na bakal at dudurugin nila ang mga bansa gaya ng pagdurog sa palayok.