Pahayag 19:4-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Lumuhod ang 24 na namumuno at ang apat na buhay na nilalang at sumamba sa Dios na nakaupo sa kanyang trono. Sinabi nila, “Amen! Purihin ang Panginoon!”

5. Pagkatapos, may narinig akong nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Dios, kayong lahat na naglilingkod sa kanya nang may takot, dakila man o hindi.”

6. Pagkatapos, muling may narinig ako, parang ingay ng napakaraming tao na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. Ito ang sinasabi, “Purihin ang Panginoon! Sapagkat naghahari na ang Panginoon na ating Dios na makapangyarihan sa lahat!

7. Magalak tayo at magsaya, at purihin natin siya. Sapagkat dumating na ang oras ng kasal ng Tupa, at nakahanda na ang kanyang nobya.

8. Pinagsuot siya ng damit na malinis, makinang, at puting-puti.” Ang ibig sabihin ng puting damit ay ang mabubuting gawa ng mga pinabanal ng Dios.

9. At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga inimbitahan sa handaan sa kasal ng Tupa.” At sinabi pa niya, “Totoo ang mga sinasabing ito ng Dios.”

10. Lumuhod ako sa paanan niya upang sumamba sa kanya. Pero sinabi niya sa akin, “Huwag! Huwag mo akong sambahin. Sapagkat alipin din ako ng Dios, tulad mo at ng mga kapatid mong nagpapahayag ng katotohanang itinuro ni Jesus. Ang Dios ang sambahin mo!” (Sapagkat ang mga katotohanang itinuro ni Jesus ay siyang buod ng mga sinabi at isinulat ng mga propeta.)

11. Pagkatapos, nakita kong nabuksan ang langit, at may puting kabayo na nakatayo roon. Ang nakasakay ay tinatawag na Tapat at Totoo. Sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma.

Pahayag 19