Pahayag 18:5-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Ang bunton ng kanyang kasalanan ay abot hanggang langit.At hindi na palalagpasin ng Dios ang kanyang kasamaan.

6. Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niyang masama sa inyo.Gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.Kung ano ang ginawa niyang masama sa inyo doblehin ninyo at ibigay sa kanya.

7. Kung paanong nagmataas siya at namuhay sa karangyaan at kalayawan,gantihan ninyo siya ng katumbas na kahirapan at kalungkutan.Sapagkat inakala niyang reyna siya at hindi makakaranas ng kalungkutan tulad ng mga biyuda.

8. Dahil dito, sabay-sabay na darating sa kanya sa loob lang ng isang araw ang mga salot:mga sakit, kalungkutan, at gutom.Pagkatapos, susunugin siya,sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Dios na nagpaparusa sa kanya.”

9. “Iiyakan siya ng mga haring nakipagrelasyon sa kanya at nakisama sa kalayawan niya kapag nakita nila ang usok ng kanyang pagkasunog.

10. Tatayo lang sila sa malayo at magmamasid dahil takot silang madamay sa parusa sa lungsod na iyon. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat at makapangyarihang lungsod ng Babilonia. Sa loob lang ng maikling panahon ay naparusahan siya!’

11. “Iiyak at magdadalamhati sa kanya ang mga negosyante sa buong mundo dahil wala nang bibili ng mga paninda nila.

12. Wala nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, mamahaling bato, at perlas; at ng kanilang mga telang linen, seda at mga telang kulay ube at pula. Wala na ring bibili ng kanilang mababangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante at yari sa mamahaling kahoy, tanso, bakal at marmol.

Pahayag 18