Pahayag 18:15-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Ang mga negosyanteng yumaman dahil sa kalakal nila sa lungsod ay tatayo lang sa malayo dahil takot silang madamay sa parusa sa kanya. Iiyak sila at magdadalamhati,

16. at sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat na lungsod na iyan! Dati ang mga tao riyan ay nagdadamit ng mamahaling telang kulay puti, ube at pula, at napapalamutian ng ginto, mamahaling bato at perlas!

17. Pero sa loob lang ng maikling panahon, nawala ang lahat ng kanyang kayamanan!’“Tatayo lang at magmamasid ang mga kapitan ng barko at ang mga tripulante nila, pati na ang mga pasahero at ang lahat ng mga naghahanapbuhay sa dagat.

18. At habang minamasdan nila ang usok ng nasusunog na lungsod, sisigaw sila, ‘Walang katulad ang sikat na lungsod na iyan!’

19. At dahil sa kanilang kalungkutan, lalagyan nila ng alikabok ang ulo nila at mag-iiyakan. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat na lungsod na iyan. Dahil sa yaman niya, yumaman ang mga may-ari ng barko na bumibiyahe roon. Pero sa loob lang ng maikling panahon, nawala ang lahat!’

20. “Kaya kayong lahat ng nasa langit, matuwa kayo dahil sa nangyari sa lungsod na iyon. Matuwa kayo, kayong mga propeta, mga apostol at mga pinabanal ng Dios, dahil hinatulan na siya ng Dios sa mga ginawa niya sa inyo!”

21. Pagkatapos, may isang makapangyarihang anghel na kumuha ng isang batong kasinlaki ng malaking gilingan at inihagis sa dagat. Sinabi niya, “Katulad nito ang pagkawala ng sikat na lungsod ng Babilonia, dahil hindi na siya makikitang muli.

22. Hindi na maririnig ang mga pagtugtog ng alpa, plauta at trumpeta, at ang tinig ng mga mang-aawit. Hindi na makikita roon ang mahusay na mga manggagawa ng anumang uri ng gawain, at hindi na rin maririnig ang ingay ng mga gilingan.

23. Magiging madilim doon, dahil wala nang ilaw kahit isa. Wala na ring masayang tinig ng bagong kasal na mapapakinggan. Mangyayari ito sa kanya dahil ang mga negosyante niya ay masyadong mapagmataas, at dinaya niya ang lahat sa pamamagitan ng pangkukulam.”

24. At ang lungsod na iyon ang pumatay sa mga propeta at sa mga pinabanal ng Dios, at sa iba pang mga tao sa buong mundo.

Pahayag 18